presentation2.jpg

Home | Gallery | Parish Schedules | Calendar of Events | Archives | Directions | Contact Us | Our History | News, Infos & Announcements | Meet the Staff | Church Organizations | Prayer Requests and Intentions | Religious Links | Donations and Support
Our History

our parish is very young....but our church has already been there for many many many years now....

oldchurch.gif

 

ANG PAMAYANANG KIRSTIYANO SA MALIPAMPANG:

NOON HANGGANG NGAYON

  Sinasabing ang mga naunang nanirahan sa Malipampang ay ang mga mag-anakan nina Julio Violago, Faustino Vizconde, Hilaria Toribio, Ketang Nunez-Reyes, Magda Virinio Bernardo, Evang Venturina Vizconde, Intang Evangelista at Mariano Villaceran.

 Sila ay nag-iwan ng bakas ng pagkakaisa, pagkakapatiran at paninindigan. Ang pananampalatayang Kristyano ay kanilang pinagyaman nuon pa man.

 Noong 1919, sa pamumuno ni G. Dano Villaceran, unang itinayo ang bisita ng Malipampang na yari sa pawid at kawayan sa bakuran ni G. Narciso del Rosario. Subali’t nang sumunod na taon ay ibinuwal din ng bagyo ang bisita.

  Makalipas ang 3 taon, nagtayo ng bagong bisita sa bakuran ni Impong Ining Violago nguni’t naibuwal din ito ng bagyo. Mula roon, nang sumunod na taon, inilipat ang bisita sa kasalukuyang pook na pag-aaari rin ni Impong Ining Violago na ipinagkaloob na sa nayon ng Malipampang. Pinamahalaan muli ni G. Dano Villaceran ang paggawa ng bagong biista na yari sa kahoy na lanite, ang atip ay pawid at ang dingding ay gawa sa sala-salang kawayan.

  Sa pagsusumikap nina Gng. Hilaria Torribio at Gng. Ketang Nunez, nagkaroon ng imahen ng Sto. Rosario ang bisita nuong 1926. Inihandog din nuong taong iyon ni G. Mamerto Panganiban ang isang kampana na yari sa nilusaw na perang barya.

  Dahil sa mga panimulang pagsisikap ng mga tao na magkaroon ng bahay dalanginan ang mga taga-Malipampang, nuong ika-22 ng Pebrero, 1927, unang idinaos ang Pista ng Nayon sa pamumuno ni G. Mamerto Panganiban. Pinagtibay rin na ang Pasasalamat ng Nayon ay idadaos tuwing ika-22 ng Nobyembre kung saan dinadala ang handa sa bisita at lahat ay nagsasalo-salo.

  Taong 1927 din nang sinimulang idaos ang Semana Santa sa Nayon. Sa pangangasiwa ni Ingkong Dano at pagtutulungan nina Impong Ketang at Atanacia Verinio, nagkaroon na rin ng Pagbabasa ng Mahal na Pasyon ng Paninoong Hesukisto. Samantala, ang imahen ng Sto. Rosario ay inalagaan ni Gng. Atanacia Verinio.

  Kapuna-puna na halos taun-taon ay ibinibuwal ng bagyo ng bisita subali’t wala naming sawa ang mga tao sa pagtatayo nito. 

Taong 1930 nang pamunuan nina G. Cario Joson at G. Nemesio Gonzales ang nayon at ang bisita.

 Pagkatapos ng ikalawang digmaan, idinaos ang Pista nuong 1946 sa pangunguna ni G. Fabian Vero. Lalong yumabong ang pananampalataya ng mga taga-nayon.

 Sa kabila ng pagunlad sa pananampalataya, ninakaw ang imahen ng Sto. Rosario nuong 1947 at iniwanan na lamang basta sa gitnang bukid ang imahen na bali ang braso at daliri nito. Pinaayos ni Impong Tanacia ang imahen.

  Tanda ng pagyaman sa espiritwal na buhay ng mga tao ay ang pagsusumikap nilang magkaroon ng matibay at magandang bisita. Kaya’t nuong 1954, naghalal ang mga taga-nayon ng Pangulo ng Paggawa. Naging unang pangulo si Gng. Aida Viudez katulong sina Gng. Lacion Bernardo, Emilia Tayao, Sima Vizconde, Rosa Bernardo, Jose Villanueva at Jose Toledo.

  Nuong 1958, nakapagpatayo ng matibay ng bisita ang nayon sa pamamagitan ng pagtataguyod ni Gng. Aida Viudez at sa tulong ni G. Elino delos Santos.. Naghandog si G. Carlos Gonzales ng mga haliging yakal. Nagbigay ng mga hollow blocks, semento at buhanging bato si G. Jose Verde. Hiniling kay G. Jose Toledo na maghandog ng may 50 metro parisukat na lupa upang lumuwang ang gilid ng bisita.

  Nang taon din yaon ay naipagawa ang altar, swelo, kisame, mga upuan at karo ng Sto. Rosario sa pagpapangulo ng Paggawa ni Bb. Ising Gomez at G. Sixto Mariano.

  Taong 1972 nang mawala ang kampanang handog ni G. Mamerto Panganiban at magpahanggang ngayon ay hindi na natunton kung saan ito napunta.

  Ang dekada 70 ay panahon ng lalong pag-usbong ng mga mananampalataya sa Malipampang. Dumami ang mga nanirahan sa nayon at sumibol ang sigla ng buhay espiritwal sa nayon.

  Sa ikalawang pagkakataon, ninakaw ang imahen ng Sto. Rosario nuong 1974. Sa pagtutulungan nina Bb. Ising Gomez, G. Sixto Mariano at Mayor Mike Viudez, natunton ang nawawalang imahen sa isang tindahan ng mga “antique” sa Ermita, Manila. Nang maibalik na ang imahen sa bisita, halos lahat ng mga taga-Malipampang ay nagtungo upang makitang muli ang imahen.

  Sa pangunguna ng bagong halal na pangulo ng paggawa na si Gng. Arsenia Ramos, naipagawa ang mga sumusunod: bakod ng paligid ng bisita, bintanang bakal, unang amplifier, mga upuan. Nakalikom sila ng pondo sa pamamagitan ng pananapatan. Pinangunahan ang pananapatan nina G. Onyong Verdillo, guitarista, at mga mang-aawit na sina Gng. Fely at Lucing Vizconde.

  Mahigit na 1,000 mananampalataya ng Malipampang ang naging cursillistas mula sa panahong 1975-1983.

  Nuong 1976, sa pagpapangulo ni Gng. Oliva Evangelista na kilala sa tawag na “Tia Ine”, naipagawa ang mga bagong yero sa likod ng bisita. Nagkapagpatanim ng mga halaman sa paligid. Naipakabit ang pintuan sa harapan na handog ni Dra. Pag-asa Guanlao at pintuan sa likod na handog naman ni Gng. Consuelo 

Toledo Bautista. Naipagawa ang baldosa ng bisita. Nagkaroon ng hagdan patungo sa kampanaryo. Nagpalagay ng mga kabinet para sa mga gamit ng bisita at damit ng poon. Naghandog ng mga ilaw at aranya sina G. Kiko at Nene Cruz ng Tondo, Manila, Dra. Pag-asa Guanlao, G. Felipe Velasquez, Jr., G. Deogracias Vicmudo, Gng. Consuelo Toledo Baustista.

  Idinaos ang Family Life Enrichment Program (FLEP) mula 1979-1982 kung saan si Bro. Andoy Villanueva ang naging panauhing tagapagsalita. 23 pares na mag-asawa ang unang nagtapos sa seminar.

  Sinimulang itatag ang Barangay Pastoral Council (BPC) nuong 1989 matapos makadalo ng Basic Orientation Seminar o BOS ang mga taga-Malipampang.

  Ipinakilala rin ang Basic Bible Seminar kung saan marami rin ang dumalo sa naturang seminar na siyang ikinaunlad ng kaalaman ng mga tao sa kahulugan at kahalagahan ng Salita ng Diyos sa kanilang buhay.

  Napagpasyahan na iparemodel ang buong bisita sa pangunguna ni Dra. Pag-asa Guanlao na naging Pangulo ng Paggawa nuong 1989. Sinimulan ang paggawa ng bisita nuong Nobyembre 1990 at natapos nuong Nobyembre 1991. Nagpalagay din ng toilet sa likod ng bisita at nagkaroon na rin ng generator at motor ng tubig. Ipinagawa ang altar na binasbasan nuong 1996. Naghandog ng mga aranya sina Bb. Julieta Vizconde at Gng. Violeta Bernardo.

  Ito rin ang panahon kung saan naging aktibo ang Charismatic Renewal Movement sa Malipampang sa pangunguna nina Sis. Leticia Illescas at Dra. Pag-asa Guanlao.

  Ang Transfer Certificate of Title ng bakuran ng bahay-dalanginan ay na-rehistro sa Register of Deeds ng Bulacan noong ika-26 ng Disyembre, 1995 na kinatawan ni Rev. Fr. Hilario San Juan na may Title CLOA-T-9903

 Mula nuon magpahanggan ngayon, patuloy ang pag-unlad ng buhay pananampalataya ng mga tao. Ang mga gawaing simbahan ay lalo pang sumigla sa pagkakaroon ng paring naghahanda para ito maging Quasi-Parish.  Nagpatuloy ang mga Misa at iba pang mga gawain.

  Naging aktibo ang mga tao sa simbahan. Nakibahagi sila sa mga gawaing pastoral ng Parokya ni San Ildefonso at patunay na ang munting simulain ng nayon sa aspeto ng pananampalataya ay nagbunga ng sagana. At ngayon ay pinasisimulan na rin ang pagbuo ng ganap na pamayanang Kristyano ng Malipampang bilang isang Quasi-Parish na naglalayon na maging Parokya ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario balang araw.

Nuong ika-7 ng Hunyo, 2006, itinalaga ni Lub. Kgg. Jose F. Oliveros, DD, Obispo ng Malolos ang Malipampang bilang sentro ng Quasi-Parish na kung saan ang Mahal na Birhen ng Sto. Rosario ang siyang pintaksi ng binubuong parokya. Si Rdo. Padre Ronaldo A. Samonte ang itinalagang paring tagapamahala ng Quasi-Parish.